DXUP FM 105.5 MHz "Upi for Peace" A Community Radio, based in Barangay Nuro, Municipality of Upi, Maguindanao, in Autonomous Region Muslim Mindanao, Philippine Island. DXUP FM broadcasts on frequency 105.5 MHz and can be heard over Upi and South Upi, and nearby municipality in Maguindanao province, part of Lanao del Sur, & Norte, Zamboanga, Sultan Kudarat and Cotabato province. DXUP FM maintain and operated by Community Media Education Council (CMEC).

Home » Archives » 11. October 2008

Dagdag kaalaman tungkol sa melamine

October 11, 2008
ANO nga ba ang melamine na labis ngayong kinatatakutan ng karamihan at nagdulot ng pagkakasakit ng libu-libong paslit sa China?
    
Ang melamine ay tradisyunal na ginagamit sa paggawa ng ‘durable dishware’ at ‘clear resins’ at matagal nang ginagamit sa paggawa ng iba’t ibang gamit.
   
Ngunit sa halip na makatulong sa tao ay nagdulot ito ng perwisyo dahil nito lamang buwan ng Setyembre, tinataya sa 53,000 sanggol sa China ang nagkasakit dahil sa pag-inom ng gatas na nagtataglay ng naturang nakalalasong compound.
   
Noong 2007, nadiskubre ang presensiya ng melamine sa pakain sa hayop na ibinebenta sa North America makaraang magreklamo ang mga may alaga ng hayop hinggil sa pagkakasakit at pagkamatay ng kanilang mga alaga.
   
Bandang huli, natuklasan na ang mga wheat gluten at rice protein na inangkat mula sa China ay may halong melamine. Sa nasabi ring taon, nagsimula ang mga Canadian at U.S. health officials na suriin ang fish samples matapos nilang madiskubre na ang mga alagang isda ay nabigyan ng pagkain na may melamine.
   
Bilang aksiyon sa outbreak, nagpatupad ang Canadian Food Inspection Agency ng mahigpit na pagbabantay hinggil sa pagpasok ng mga produktong gatas mula sa China sa kanilang bansa.
   
ANO ANG MELAMINE?

Ang melamine ay kulay puti na ‘crystalline substance’ na karaniwang kung tawagin ay cyanuramide, binubuo ng carbon, nitrogen at hydrogen.
   
Ang compound na ito ay unang nadiskubre noong 1830’s ng German scientist na si Justus von Liebig at hindi nagtagal ay ginamit sa mga industriya sa paggawa ng mga plastic at laminates.
  
MGA PRODUKTONG GAWA SA MELAMINE
   
Anu-ano nga ang mga produktong gawa sa melamine?
   
Ang melamine ay subok na sa kanyang tibay at noong 1950’s ay ginamit pa ito sa paggawa ng mga matitingkad at makukulay na plato, bowl at containers. Ang compound na ito ay patuloy na ginagamit ngayon sa paggawa ng mga kutsara at tinidor at maging ng mga plato at ginagamit din sa paggawa ng ‘resin coating’ para sa kahoy at textiles.
   
Ilang flame-retardants, fertilizers at dyes o pangkulay ang nagtataglay din ng  melamine.
   
Kamakailan, nagsagawa ng inspeksiyon ang Chinese food safety officers sa gatas na ibinebenta sa mga supermarket matapos madiskubre na ilang tiwaling negosyante ang naghalo ng melamine sa mga produktong gatas sa kanilang bansa.
   
Noong 2007, may hinala ang mga opisyal ng U.S. Food and Drug Administration na may nahalo ring melamine sa wheat gluten at rice protein na ginamit sa ‘pet food’ dahil nagagawa nitong magmukang padamihin ang protein content ng mga sangkap ng produkto.

SIDE EFFECTS NG MELAMINE

Sa kamakailan na isinagawang imbestigasyon sa mga nakakonsumo ng produktong may halong melamine, ang mga biktima particular na ang mga sanggol ay nagkaroon ng kidney stones at dumanas ng problema sa pag-ihi.
   
Noong Abril 2007, sinabi ni University of Guelph researcher Perry Martos, ang reaksiyon sa pagitan ng melamine at cyanuric acid ay nagresulta sa pagkakaroon ng crystals sa baton g mga alagang hayop na napakain ng pet foods na may melamine.
   
Nagbabala ang Canadian Food Inspection Agency sa mga consumer na ang  Nissin Cha Cha Dessert mix ay gawa sa melamine-tainted milk. DAhil dito agad nilang ipinatanggal sa mga pamilihan ang 440-gram packages (2 packs ng 220 grams) na may code na UPC 4 897878 550005.  Ang produkto ay naimapahagi sa Ontario, Alberta at British Columbia.
   
Nagpalabas ang food watchdog ng kautusan sa pagbawi ng mga imported na kape na ibinebenta sa British Columbia, Alberta at Manitoba. Kabilang sa naapektuhang produkto ay ibinebenta sa 450g. packages na nagtataglay ng 30 15-gram bags:

* Instant Coffee 3-in-1 Mandheling Blend Coffee na may UPC 4 710085 122523.
 
* Instant Coffee 3-in-1 Blue Mountain Blend Coffee na may UPC 4 710085 200597.
   
* Instant Coffee 3-in-1 Arabica Coffee na may UPC 4 710085 122509.
   
Ang mga ito ay may expiry dates na Abril 9, 2010 hanggang Setyembre 12, 2010.
   
Kinontak na ng Health Canada ang Abbott Nutritionals, Mead Johnson Nutritionals, Nestle Canada at PBM Nutritionals, ang pinakamalalaking manufacturer ng infant formula sa Canada. Ngunit ayon sa naturang mga kompanya, hindi sila gumagamit ng milk ingredients na inaangkat mula sa China.
   
Noong Setyembre, nagpalabas din ng kautusan hinggil sa pagbawi sa merkado ng white rabbit candy dahil sa hinalang nagtataglay din ng nakalalasong kemikal.

PELIGRO NG MELAMINE

Ayon kay Dr. Leong Lai Peng, senior lecturer sa food science and technology programme sa National University sa Singapore, ang antas ng lason ng melamine ay hindi naman umano ganoon kataas subalit kilala ito na nagdudulot ng problema sa pag-ihi at bladder stones sakaling makain o mainom.
   
Babala pa ni Dr. Leong, maaari rin itong magdulot ng cancer. Aniya, sa isang pagsasaliksik, ilang lalaking daga na na-expose sa mataas na dosage ng melamine ay nagdevelop ng carcinomas na malignant cancer.
   
Nagtataglay ang mela-mine ng napakaraming nitrogen na maaaring magbigay ng paliwanag kung bakit ang mga China infant formula producers ay idinagdag ito sa kanilang produkto.
   
Ani Dr Leong, sa ginawang pagsusuri ng mga food testers sa produkto, tinignan nila ang antas ng nitrogen dito.

KAHIT LUTUIN, ‘DI NABABAWASAN ANG ANTAS NG LASON

Dagdag pa ni Dr. Leong na ang melamine ay nagbibigay sa produkto ng itsurang marami itong protina kaysa sa aktuwal na taglay nito.
   
At kahit pa umano lutuin, ang melamine ay hindi nababawasan ang taglay na lason.
   
Maaari rin aniya itong mag-react sa ilang components ng food products tulad sa asukal, glucose at fructose, bagama’t wala  pang  mga pag-aaral ang ginawa para eksaminin ang mga resulta ng naturang reaksiyon, ayon pa kay Dr Leong.
       
PUBLIKO PINAG-IINGAT
   
Sa Pilipinas, pinayuhan ng Department of Health at Bureau of Food and Drugs (BFAD) ang publiko na iwasan munang bumili ng mga gatas at at iba pang food products na  hinihinalang  may  melamine,  partikular na  ang  mga galing China.
   
Payo rin ng ahensiya na bumili lamang sa mga dati nang tinatangkilik at pinagkakatiwalaang manufacturer upang makatiyak sa kaligtasan ng kalusugan.
   
Ayon pa kay DoH Secretary Francisco Duque lll, mas mainam pa rin ang gatas ng ina kaysa sa alinmang klase ng gatas.
     SOURCE:http://www.journal.com.ph/

Posted by dxupfm at 9:15 am | permalink | comments[1]