Pagsusugal (Playing Game of Chance)
August 31, 2009| Pagsusugal (Playing Game of Chance) | for everyone |
(August 31, 2009-Lunes- Script na sinulat ni Alih Anso para sa programang “Buhay –buhay sa DXUP” (7:00-8:00 A.M) sa segment na “Nakaka”. Host -Lenyrose Bajar Sunio)
Host: “Ang isa sa mga kasamaan na karaniwang ginagawa ng tao ay ang pagsusugal. Mas itinuturing ito na isang libangan kaysa sa isang masamang bisyo — balewala ito sa iba kung ito man ay kasalanan o hindi. Naging bahagi na ito sa pamumuhay ng karamihan — kapit na kapit na ito sa kanilang mga sarili. Wala nang halaga kung ito man ay nakapipinsala o hindi!”
(PLAY INTRO)
Kaka Alih: Ang terminong sugal ay nagkaroon ng maraming magkakaibang kahulugan depende sa kultura o kasaysayang pinaggagamitan nito. Sa ngayon, sa mga Lipunang Kanluranin,(Western countries) ay mayroon itong kahulugang pang-ekonomika, tumutukoy sa “paggagamit ng salapi o mga bagay na may halaga sa mga kaganapan na hindi tiyak ang kakahantungan na ang pangunahing intensyon ay manalo na karagdagang salapi o/at mga materyal na bagay“.(http://tl.wikipedia.org/wiki/sugal)
Ang paglalaro sa kontekstong ito na ay kadalasang inilalarawan sa mga sandaling ang mga aktibidad ay ginagawang legal ng mga karampatang batas o ang mga gawain na ito ay hindi kasama sa mga batas kriminal. Ang mga kumpanyang nagpapalaro ay nagbibigay ng mga legal na gawaing sugal sa publiko.
Sa Bibliya, mayroong sugal o pagsusugal na tinatawag na sapalaran o pakikipagsapalaran (mula sa salitang palad), na nangangahulugang pagbabakasakali, isang laro ng pagkakataon. Katumbas ito ng alaswerte, pag-ato, huwego (laro) o pagtikim. Sinasabi pa rin na ginagawa ang palabunutan[ upang malaman kung ano ang kagustuhan ng Diyos, kung sino ba ang mauuna o magwawagi.
Winika ng Allah sa Qur’an na “bawal ang pagsusugal” at dahil dito, ang isang bansang nagpapatupad ng Islam ay hindi maaring magbukas ng casino, lotto, sweepstakes, atbp.
“Tinatanong ka nila tungkol sa alak at pagsusugal. Ipahayag: O Propeta, sa mga ito aya may malaking kapinsalaan at ilang kapakinabangan, subalit ang kapinsalaan ay mas malaki kaysa kapakinabangan.” [Surah Al Baqarah 2:219]
Isa pa ring Islamikong panuntunan na sa mga bagay na ipinagbabawal, anumang bagay na makapagbibigay-daan sa pagsasagawa ng mga iyon ay ipinagbabawal din.
Ang Pagsusugal ay isa sa mga kasamaan na karaniwang ginagawa ng tao. Mas itinuturing niya ito na isang libangan kaysa sa isang masamang bisyo — balewala ito sa iba kung ito man ay kasalanan o hindi. Naging bahagi na ito sa pamumuhay ng karamihan — kapit na kapit na ito sa kanilang mga sarili. Wala nang halaga kung ito man ay nakapipinsala o hindi!
Kung minsan, ginagamit pa itong propesyon o hanap-buhay, paraan upang masunod ang luho sa sarili, makaahon sa kahirapan at iba pa, na sa pag-aakala ay wala itong ibubunga na kasamaan.
Kung batid nga lamang nila, na ito ay isa sa malaking kasalanan sa harapan ng Allah. Bukod sa pinupukaw lamang nito ang poot sa kalooban ng isa’t isa, nagbibigay din ito ng immoralidad sa katauhan ng isang tao.
Hindi ito nakapagdudulot ng kabutihan sa tao at kung mayroon man ay napakaliit lamang, na ang hahantungan din sa bandang huli ay pagkawasak at kapahamakan!
Dahil kailanman’y, hindi maaaring magbunga ng mabuti ang kasamaan, kundi ng kasamaan din! Maliwanag na sinabi ng Allah sa Quran:
“Sabihin (mo sa kanila O’ Muhammad): “Hindi magkatulad ang masama at ang mabuti, kahit na kaakit-akit at nakasisilaw ang idinudulot na kasaganaan ng kasamaan. Samakatuwid! O’ tao na may pang-unawa, Katakutan ninyo nang labis ang Allah (sa pamamagitan ng pag-iwas sa lahat ng uri ng mga kasalanan at kasamaan na Kanyang ipinagbawal) at mahalin ninyo Siya nang labis (sa pamamagitan ng paggawa ng lahat ng uri ng mga kabutihan na Kanyang ipinag-utos), upang kayo ay maging matagumpay.”
Kapatid na naniniwala sa Poong Lumikaha, para sa ating kapakanan ang pagbabawal na ito. Sa katunayan, napakabait ng Allah sa atin, ibinigay na Niyang lahat-lahat ang makabubuti para sa atin — ang pinakawastong pamamaraan ng pamumuhay! Subali’t ang iba ay ayaw pa ring pahalagahan ito!
Kong ang ating mga relihiyon o pananampalataya ang ating pagbabasehan ay ang lahat ng uri ng sugal na sangkot ang salapi at mga ari-arian, ay ipinagbawal ng Allah na tulad ng: Lottery, Lotto, Sweeptakes, Casino, Jai-alai, Jueteng, Karera, Sakla, Madyong, Pares-Pares at iba pang mga laro na kauri nito.
Ang masaklap nga lang nito, ay kalat na kalat na sa ating lipunan ang mga ganitong bisyo:
May ilang uri ng sugal na ginawang legal ng pamahalaan, na kinabibilangan ng mga kilalang tao sa lipunan at may malakas na impluwensiya!
At ang iba namang sugal na hindi ginawang legal ng pamahalaan ay nagkalat at naglipana sa kapaligiran!
Paano mapabubuti ang lipunan kung ganitong sistema ang umiiral? Hindi kaya ito ang dahilan kung bakit maraming hinaharap na mga suliranin ang bayan, kung bakit dumadanas ng tag-gutom at kahirapan ang mga tao, kung bakit nagaganap ang iba’t ibang uri ng mga kalamidad, kung bakit kumakalat ang mga sakit na wala nang lunas at kagalingan?
Hindi kaya ito ang parusa ng Allah sa mga sumusuway sa Kanya?
May tanong: “…paano naman kung ang mga kinikita ay itinutulong sa kawanggawa?”
Ganito ang sagot na nakuha natin: “Kung ikakatuwiran ng iba na ang mga kinikita nito ay itinutulong sa mga mahihirap, pinagpapagawa ng mga paaralan, sumusuporta sa paglikha ng mga ‘generating income,’ tinutulong sa mga institusiyon na tulad halimbawa ng ‘Home for the Aged,’ Bahay Ampunan, ‘Hospicio de San Jose’ at iba pa.
Kung ganito ang mga pakinabang na nakukuha, ituturing bang kabutihan ang mga hakbang na ito? Sa tingin ninyo kaya ay magiging makatarungan na ito? Magiging katanggap-tanggap sa paningin ng Tagapaglikha? May gantimpala pa rin kaya ang mga gumagawa nito?
Maaaring ang pangkaraniwang kaisipan ng isang tao ay sumang-ayon sa ganitong katuwiran, subali’t hayaan nating ang batas ng Allah ang humatol.
Mababatid sa pahayag ng Propeta (Muhammad, sallallahu ‘alayhi wa sallam), kung may saysay nga ba ang mga kinita mula sa masama kapag ito ay kanilang ginamit sa kabutihan?
“May isang lalaki na nagtanong sa Sugo ng Allah (Muhammad): ‘O Sugo ng Allah, nagnenegosyo ako ng alak at nakaipon ako ng pera mula sa pinagkitaan nito. Mayroon ba akong pakinabang sa kinita nito, kung sakali na akin itong gagastahin sa mga gawang kabutihan bilang pagsunod sa Allah ang Kataas-taasan?
“Sumagot ang Sugo ng Allah: ‘Kung ito ay ginamit mo para sa Hajj, o para sa Jihad, o para sa Kawanggawa, ang halaga nito sa paningin ng Allah ay hindi hihigit sa pakpak ng isang lamok. Tinatanggap lamang ng Allah kung ano ang mabuti.’
“At upang ipagtibay ang sinabi ng Sugo ng Allah, inihayag ng Allah ang talata na: “Sabihin (mo sa kanila O Muhammad): ‘Hindi magkatulad ang masama at ang mabuti, kahit na kaakit-akit at nakasisilaw ang idinudulot na kasaganaan ng kasamaan…’ “
Sa katunayan, ang anyayahan nga lamang ang tao na magsugal ay mangangailangan na ng kabayaran, paano pa kaya kung ito ay gagawin mismo nang aktuwal?
Sinabi ng Sugo ng Allah (Muhammad): Ang sinumang nagsabi sa kanyang kasamahan na, ‘Halika, magsugal tayo,’ kinakailangan na siya ay magbigay sa kawang-gawa.”
Ipinakikita rito kung gaano kahigpit na ipinagbabawal ang ganitong gawain! Dahil na rin sa ito ay makasisira sa atin! Na kung kaya, huwag pahintulutan na kayo mismo ang magwasak sa inyong mga sarili!
Papaano kaibigan sadyang napaikli ang ating panahon, hanggang dito na lamang muna, Insha Allah (kong pahihintulutan ng Allah) sa susunod na pagsasama natin sa himpapawid, bukas… sama-sama tayo sa segment na nakaka ating programang buhay buhay sa DXUP FM.. ito ang inyong Kaka Alih. Sukran and Wassallam


