Ang Babae sa Kultura ng Bangsamoro
May 26, 2010(May 26, 2010 - Script na sinulat ni Alih Anso para sa programang “Buhay –buhay sa DXUP” (7:00-8:00 A.M) sa segment na “Nakaka”. Host Lenyrose Bajar Sunio)
Host – “Ang mga kababaihan ay dapat ibigay ang halaga at respeto ito ang mga sinisigaw ng mga kababaihan sa kanluran, dahil ditto ang pag-usapan nating ngayon umaga ay pananawa ng mga Bangsamoro sa kababaihan, ito ang ibibigay sa atin ni , Kaka Ali sa ating segment na nakaka.”
(Play- Intro-Nakaka)
Kaka Alih: Ang babae ang isa sa mga pinakaingat-ingatan, pinakamamahal at nirerespeto ng mga Bangsamoro. Ang kultura at paniniwalang ito ay binatay nila sa sinabi ng Propeta Muhammad (ang Kapayapaan Naway Sumasakanya):
Dumating at nagtanong ang isang Sahabah (kasamahan) “Sino po sa mga tao ang lalong karapat-dapat sa magandang pakikisamahan ko?” Nagsabi ang Propeta (Sumasakanya ang Kapayapaan): “Ang iyong ina.” Nagtanong i muli: “Pagkatapos ay sino pa po?” Nagsabi muli ang Propeta (Sumasakanya ang Kapayapaan): “Ang iyong ina.” Nagsabi muli ito: “Pagkatapos ay sino pa po?” Nagsabi mula siya (Sumasakanya ang Kapayapaan)): “Ang iyong ina.” Nagsabi muli ito: “Pagkatapos ay sino pa po?” Nagsabi siya (Sumasakanya ang Kapayapaan): “Ang iyong ama.” ( Hadith mula kay Bukhari at Muslim)
Sa mga Bangsamoro mahalaga ang angkan, kaya ang babae ay pinakaingat-ingatan nila dahil ang babae ang magiging ina ng kanilang mga susunod na salin lahi o angkan.
Hindi nila pinapayagan na magsagawa ng mabibigat na gawain, upang sa gayon ay hindi masira ang porma ng kanilang mga katawan, upang maging manatiling pangbabae, magiging malusog siyang ina.
Ang babae sa Bangsamoro, ay hindi puwedeng salingin o hawakan man lang ang kanilang mga kamay ng ibang lalaki, (na pwede siyang asawahin), at kong kong sakaling gawin man ito ng isang lalaki, siya ay may karampatang parusa o multa, ayon sa batas ng kultura ngmga Bangsamoro.
Kong nag-iisa lamang ang babae sa bahay, ang lalaki (na pwede siyang asawahin), ay hindi pwede pumasok sa bahay, hanggang tarangkahan o hagdanan lamang, at hindi rin pwedeng kausapin ng lalaki na nag-iisa ang babae.
Hindi rin pinalalakad ang babae na nag-iisa o walang Mahram (kasama-magulang o kapatid).
Hindi rin pinapayagan na ipakita ng kababaehan ang kanilang kahubaran at ganoon dinnman sa kalalakihan, ito ay tinatawag nilang Haram. Ang Haram ay kinasusuklaman ng Allah, hindi niya ito pinapayagan na kainin o gawin ng mga Muslim (Nanampalataya).
Kong may lalaki na darating sa bahay, ang nanay mag-ehem lamang ay agad ng aaakyat sa “paga” (parte ng bahay sa may bandang itaas-nakakuwarto na hindi mo makikita ang nasa loob.)
Sa rido o giyera o away ng mga angkan, na nagpapatayan na, ang kanilang mga babae ay hindi nila isinasali sa paghihingantihan. Sa paniniwalang ang Allah ay nagsabi sa Qur’an na: “….. ang babae, bata at matatanda ay huwag isama (sirain o saktan) sa giyera”.
Hindi rin lumalabas sa publiko ang babae na hindi natatakpan ang kanilang kahubaran (mga parte ng katawan na dapat takpan-maliban sa mukha, kamay at paa).
Sa pagsambayang o pagsisimba ang babae ay hindi nakikihalubilo sa mga kalalakihan, ito ay ibinatay na rin nila sa katuruan ng Islam, na ang babae ay hindi dapat makisalamuha sa kalalakihan upang ingatan ang kanilang mga dangal o dignidad.
At dahil sa pagdating ng mga banyagang kanluranin, ang mga paniniwala at kulturang ito ay unti-unti ng nakakalimutan ng mga Bangsamoro. Dahil dito ay labis na ikinababahala ng may malawak na pananaw na mga Bangsamoro, at kinakailangan nilang pangalagaan ang magagandang kultura at kaugaliang ito, na nakaugat pa sa katuruan ng Islam.
“Ang makakapanumbalik sa ating magagandang kultura at kaugalian ay pag-aaral o edukasyon” Ayon kay Ustadz Muhammad Taha Yusof .
Sangayon ako kay Ustadz na kinakailangan natin ang mga paaralan na magtuturo ng mga magagandang kultura, kaugalian at paniniwala ng mga Bangsamoro.
“Kinakailangan ang nasa pamahalaan ay magkaroon ng tamang programa sa edukasyon para sa mga Bangsamoro.” Pahayag ng isang retiradong guro
Sang-ayon ako kay Maestro, dapat ang mga values na itinuturo sa mga kabataang Bangsamoro ay naaayon sa kultura, kaugalian at konsepto ng Islam.
At kinakailangan ang malawak na pang-unawa ng bawat Pilipino, kong bakit gusto ng mga Bangsamoro na maibalik ang kanilang mga nawawalang kultura at kaugalian.
Sa kasalukuyan ay nasa kritikal na kalagayan na ang kultura at kaugalian ng mga Bangsamoro, kaya naman nararapat na magtulong tulong ang lahat ng mamamayan na papaano maibabalik ang magagandang kultura, kaugalian at paniniwala ng bawat Pilipino, sapagkat ito ang labis na nagustuhan ng mga dayuhan noon hanggang sa ngayon.
Ito ang inyong Kaka Ali, Sukran .. Wassallamu Alaikum .


