Problema ng mga Katutubo ng Mindanao, ano ang sulosyon?
June 8, 2010
(June 8, 2010 - Script na sinulat ni Alih Anso para sa programang “Buhay –buhay sa DXUP” (7:00-8:00 A.M) sa segment na “Nakaka”. Host Lenyrose Bajar Sunio)
Lenyrose: – Problema ng mga Katutubo ng Mindanao, ano ang sulosyon? samahan ninyo kami ni Kaka Ali dahil iyan ang kanyang tatalakayin sa ating segment na nakaka.”
(Play- Intro-Nakaka)
Kaka Alih:Kong pagbabasehan ay ang mga ulat sa pahayagan at balita sa mga telebisyon, mukhang puwersang militar ang pangunahing solusyon ng pamahalaan sa kaguluhan sa Mindanao. Ang maliwanag na pruweba ay ang mga nagdaang all out war ni Erap, ang stick and carrot ni Gloria Macapagal Arroyo.
Nitong mga nakaraang taon, pagkatapos ng maabort ang pormal na pirmahan sa MOA AD ay nagkarooon muli ng malawakang military operation laban sa mga rebeldeng Bangsamoro. Hanggang sa kasalukuyan ay umaabot pa rin sa libo-libong pamilya ang naapektuhan ng labanan sa pagitan ng mga pwersa ng gobyerno at iba’t ibang armadong grupo sa Mindanao. Of course Kabilang na dito ang mga pamilyang nasa produksyon ng palay at mais, ito an gating mga mamamayang mga magsasaka, na siyang bumubuhay sa atin. Sa ngayon, madami sa mga pamilyang ito ang humihiling na sana’y matapos na ang kaguluhan sa rehiyon upang makabalik na sila sa kanilang mga hanapbuhay. Ngunit ang ating pamahalaan ay wala pang tuwirang sulosyon, ang lahat ay umaasa sa bagong administrasyon ni Noynoy, ang pag-asa ng bansa.
Sa totoo lang mga kapatid, kung susuriin ang kasaysayan n gating rehiyon, malinaw na may malalim na ugat ang suliranin ng mga naninirahan ditto sa Mindanao. Sa isang makasaysayang kumperensyang ginanap sa pagitan ng Lumad, Bangsamoro at mga settlers, lumabas na madami sa mga sala-salabat na problema sa rehiyon ay nakaugat sa ‘di pagkilala ng pamahalaan sa kanilang karapatan sa lupa, karapatang pangtao.
Aon sa pananaw ng mga delegado ng Mindanaw Tri-People Conference on Land for Peace, ang kapayapaan sa buong Mindanao ay nakasalalay sa pagkilala ng karapatan ng mga Lumad at Bangsamoro sa kanilang mga lupang ninuno. Mahalaga rin ang kagyat na pagsauli at pagtatalaga sa kanila sa mga lupaing ito.
Subalit madaming problemang nakaharang para makamit nila ang mithiing ito.
Isa na dito ang pangangamkam ng mga pribadong kumpanya (lalo na ‘yung mga kumpanya ng pagmimina, pagtotroso, at mga plantasyon) sa mga lupang ninuno ng mga Moro at Lumad. Sinabi pa ng mga delegado na bagamat kinikilala ng Saligang Batas ang karapatan ng mga indigenous peoples (IPs) at mga Moro sa kanilang mga lupang ninuno, hindi naman naipapatupad ang mga batas at reglamento (tulad ng Indigenous People’s Rights Act o RA 8371) na siya dapat magtiyak ng karapatang ito. Katunayan, anila’y magmula nang ipasa ang IPRA ay wala pang konkretong hakbang ang pamahalaan upang ipatupad ang mga probisyon ng nasabing batas, lalo na pagdating sa pamamahagi ng Certificate of Ancestral Domain Title (CADT), na siyang instrumentong kumikilala sa karapatan ng mga katutubo sa kanilang lupang ninuno.
Banta rin sa pagtiyak ng kanilang karapatan sa lupa ang umano’y pagkiling ni Department of Environment and Natural Resources sa mga malalaking kumpanya na pumapasok sa mga lugar na tinuturing na sagrado sa mga katutubo
Matagal na ang pakikibaka ng mga katutubo upang ipaglaban at protektahan ang lupang iniwan sa kanila ng kanilang mga ninuno mula sa pangangamkam ng mga tagalabas. At ang waring mabagal na pagkilos at pagtetengang-kawali ng pamahalaan sa kanilang mga kahilingan ay tanda umano ng kawalang pagpapahalaga ng pamahalaan sa kultura at karapatan sa lupa ng mga katutubo.
Ganunpaman, hinihingi pa rin ng iba’t ibang grupong Moro, Lumad at settlers na aksyunan ng pamahalaan ang dumadaming kaso kaugnay sa mga “problematic landholdings” na sakop ng mga Moro, Lumad at setllers. Dapat din umanong tiyakin na ang mga ahensya ng pamahalaan, pangunahin na ang DENR, National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) at Department of Agrarian Reform (DAR) na maitataguyod ang karapatan sa lupa ng mga Lumad Mindanao. Dagdag dito, hiniling din ng mga kinatawan ng mga grupong Moro, Lumad at settlers sa pamahalaan na huwag pahintulutang magmay-ari ng lupa sa Pilipinas ang mga dayuhang negosyante at mamumuhunan.
Kung gagawing batayan ang kahilingan ng mga Lumad, sa Mindanao, malinaw na hindi pwersang militar ang kailangan para malutas ang kaguluhan sa rehiyon. Malinaw na ang susi ay nasa pagtugon sa mga matagal nang kahilingan at panawagan ng mga katutubo na kilalanin ng pamahalaan ang kanilang karapatan sa lupa.


