Kasalanan ba , Kong Makakita Ka ng Mali na Wala Kang Ginawa, na Mapigil ito?
July 15, 2010(July 15, 2010 - Script na sinulat ni Alih Anso para sa programang “Buhay –buhay sa DXUP” (7:00-8:00 A.M) sa segment na “Nakaka”. Host Lenyrose Bajar Sunio)
Lenyrose : –Ang tanong natin sa madlang nakikinig ay kasalanan ba Diyos ang makakita tayo ng gumagawa ng masama at wala tayong ginawa upang ito ay mapigil na hindi niya maisagawa? Ano man ang inyong kasagutan pwede ninyong itext dito at ito ang tatalakayin ni Kaka Ali sa ating segment na nakaka… …
(Play- Intro-Nakaka)
Kaka Alih: Ang tanong natin sa madlang nakikinig ay kasalanan ba Diyos ang makakita tayo ng gumagawa ng masama at wala tayong ginawa upang ito ay mapigil na hindi niya maisagawa?
Sa lahat ng hayop na nilalang na nandito sa mundo, ang tao ang siyang pinakamahilig makipagkapuwa sa kaniyang uri. Dahil sa pakikipagkapuwang ito ay nainpluwensahan tayo, ng mga taong ating palaging nakakasama o nakikita sa ating paligid. Kong minsan pa nga pati pag-uugali ng mga hayop sa ating paligid ay nagagaya na natin.. halimbawa ang pag-ihi ng aso kong saan-saan, karamihan sa mga kalalakihan ngayon ay magkatulad na sa pag-ihi, OH diba?
(LAUGHING)
Dahil sa kanya-kanyang katayuan ng mga tao sa lipunan, may kagawiang (social behavior) na magkakasalungat at minsan pa ay antagonistiko.
Anuman ang nangingibabaw sa dalawang panig ay siyang nagtatakda ng mga panlipunang paniniwala, kagawian, at kultura na siyang pangunahing kinikilalang tama at wasto sa isang takdang panahon.
Likas na sa tao ang pagiging mapag- kompetensya. Minsan pa nga ay nagiging marahas ang kompetisyon. Sa pamamagitan nito ay maaaring mapanatili o mabago ang umiiral na kaayusang panlipunan. Sa bawat aksyon, laging mayroong reaksyon. Sa bawat panahon, nariyan ang tunggalian ng mga kaisipan, ng masama at mabuti, ng mahusay at hindi.
Nagaganap ang mga kabuktutan at panloloko sa anumang uri ng relasyon, lalo na yaong sa pagitan ng gobyerno at mga mamamayan.
Ayon sa pananaliksik ay nagkakaroon ng panloloko sa tatlong pagkakataon.
1) Ito ay kung hindi alam ng tao na ang nangyayari ay panloloko, pandaraya at panlalamang sa kanya.
2) Pangalawa, kung pinababayan na lamang ng tao ang kabuktutan dahil sa wala siyang kakayahan.
3) At pangatlo, kung maaaring makakuha ang isang tao ng benepisyo sa ganitong uri ng relasyon.
Sa tunggalian ng tama at mali, hindi puwedeng wala kang papanigan sa dalawa. Ang hindi mo pagkilos at ang iyong pananahimik ay pumapabor sa isang panig.
May kasabihan tayo na ang tahimik na sumasaksi sa isang krimen ay katulad din ng isang kriminal. May ilang pagkakataon kung kailan ang iyong pananahimik ay isang kapabayaan.
Dapat mayroon kang gagawin kaibigan sa panahon na nakikita mong nasisira ang lahat ng likas yaman at pinagkukunan ng pagkain ng iyong mamamayan. Kung sa iyong komunidad ay nakikita mong kinakamkam at inaagaw ang dapat sana’y para sa mga mamamayan. Kung nakikita mong may nangyayaring kabuktutan. Dahil pag wala kang gagawin tiyak balang araw kong hindi ikaw o anak mo ang magiging biktima.
Sa ating kasalukuyang kalakaran at lipunan, nakahihigit pa rin ang bilang at lakas ng mga nagsasamantala. Monopolisado pa rin nila ang iilang institusyon at kanila pa ring napanghahawakan ang pagpapanatili ng mga baluktot na mga konsepto, paniniwala, at kaisipan. Nananatili ang ganitong mga paniwala dahil mahusay silang naipapalaganap at patuloy pa rin namang niyayakap ng mga tao ang kanilang pananatili.
Naitanong natin sa mga Aleem (maalam at relihiyosong lider) kong paano tayo nagkakaroon ng kasalanan?
- Ito ay kapag ginagawa mo ang ipinagbabawal.
- At ang pangalawa ay kung wala kang ginagawa sa nakikita mong ginagawang kasalanan ng iba .
- Ang lokohin mo ang kapwa mo at kunin mo ang hindi para sa iyo ay isang malaking kasalanan. Katulad din ito ng kung wala kang ginagawa at nananahimik lamang sa kabila ng nakikita mong panlalamang.
- Sa anu’t-anuman, alalahanin mong bahagi ka pa rin ng mga pangyayari. Nagiging masama ito o mabuti ayon sa kung saang panig ka tumayo. Hindi ka hahatulan lamang sa kung ano ang iyong ginawa,. bagkus, sa mga hindi mo ginawa.
Ito po ang inyong Kaka Ali na umaasa na sana lamang ay maging bahagi tayo sa paglilikha ng isang lipunang malaya, masagana, may pagkilala sa mga karapatan ng bawat isa, at higit sa lahat ay gumagalang sa lahat ng mga bagay na nasa kalikasan. Lipunan na may pag-galang sa karapatan pantao (human rights). Lipunan na may pagpapahalaga sa hustisya.
Sukran Naway pagpalain tayo ng Poong Lumikha. Wassallam.


