Pagsusugal
August 12, 2010
(August 12, 2010- Script na sinulat ni Alih Anso para sa programang “Buhay –buhay sa DXUP” (7:00-8:00 A.M) sa segment na “Nakaka”. Host –Nancy Lawan)
Host: “Ang isa sa mga kasamaan na karaniwang ginagawa ng tao ay ang pagsusugal. Mas itinuturing ito na isang libangan kaysa sa isang masamang bisyo — balewala ito sa iba kung ito man ay kasalanan o hindi. Naging bahagi na ito sa pamumuhay ng karamihan — kapit na kapit na ito sa kanilang mga sarili. Wala nang halaga kung ito man ay nakapipinsala o hindi!”
(PLAY INTRO)
Kaka Alih: Ang terminong sugal ay nagkaroon ng maraming magkakaibang kahulugan depende sa kultura o kasaysayang pinaggagamitan nito. Sa ngayon, sa mga Lipunang Kanluranin,(Western countries) ay mayroon itong kahulugang pang-ekonomika, tumutukoy sa “paggagamit ng salapi o mga bagay na may halaga sa mga kaganapan na hindi tiyak ang kakahantungan na ang pangunahing intensyon ay manalo na karagdagang salapi o/at mga materyal na bagay“.(http://tl.wikipedia.org/wiki/sugal)
Ang paglalaro sa kontekstong ito na ay kadalasang inilalarawan sa mga sandaling ang mga aktibidad ay ginagawang legal ng mga karampatang batas o ang mga gawain na ito ay hindi kasama sa mga batas kriminal. Ang mga kumpanyang nagpapalaro ay nagbibigay ng mga legal na gawaing sugal sa publiko.
May tanong na nabasa natin sa isang website http://www.gotquestions.org/tagalog/kasalanan-pagsusugal.html at ganito ang tanong na sinagot din sa nasabing site:
“Ano ba ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pagsusugal? Kasalanan ba ang pagsusugal?”
Sagot: Maaaring isalarawan ang pagsusugal na “Pagbabakasakali sa pera upang tangkaing paramihin pa ito sa paraang di pangkaraniwan.” Hindi partikular na hinahatulan ng Bibliya ang pagsusugal, pagpupusta at iba pa. Gayon man, binibigyang babala naman tayo ng Bibliya na umiwas sa pagmamahal sa pera (1 Timoteo 6: 10; Hebreo 13: 5). Hinihikayat rin tayo ng Kasulatan na iwasan ang mga pagtatangkang yumaman sa pinakamadaling paraan” (Mga Kawikaan 13: 11; 23: 5; Mangangaral 5: 10). Ang pagsusugal ay kadalasang nakasentro sa pagmamahal sa salapi at hindi maipagkakailang maraming tao ang natutukso nito dahil sa pangakong madali at mabilis na pagkamal ng kayamanan.
Ano ba ang mali sa pagsusugal? Ang pagsusugal ay isang mahirap na isyu dahil kung ginagawa lamang ito ng paminsan minsan at hindi regular o kung may okasyon lang, maaring ito’y pagsasayang ng pera, subalit hindi nangangahulugang ito’y “kasamaan”. ang mga tao ay nagsasayang ng pera sa anumang uri ng aktibidad. Ang pagsususugal ay hindi maituturing na mas matinding pagsasayang ng pera kumpara sa palagiang panonood ng sine, pagkain ng mga hindi naman kinakailangang pagkain, o pagbili ng wala namang silbing bagay. ang katotohanang naaaksaya ang pera sa anupamang bagay ay hindi nagbibigay-matuwid sa pagsusugal. Ang pera ay hindi dapat aksayahin. ang sobrang pera ay dapat iniimpok para sa mga darating na mga pangangailangan o di kaya ibigay sa gawain ng Panginoon - at hindi dapat sayangin sa pagsusugal.
Winika ng Allah sa Qur’an na “bawal ang pagsusugal” at dahil dito, ang isang bansang nagpapatupad ng Islam ay hindi maaring magbukas ng casino, lotto, sweepstakes, atbp.
“Tinatanong ka nila tungkol sa alak at pagsusugal. Ipahayag: O Propeta, sa mga ito aya may malaking kapinsalaan at ilang kapakinabangan, subalit ang kapinsalaan ay mas malaki kaysa kapakinabangan.” [Surah Al Baqarah 2:219]
Isa pa ring Islamikong panuntunan na sa mga bagay na ipinagbabawal, anumang bagay na makapagbibigay-daan sa pagsasagawa ng mga iyon ay ipinagbabawal din.
Ang Pagsusugal ay isa sa mga kasamaan na karaniwang ginagawa ng tao. Mas itinuturing niya ito na isang libangan kaysa sa isang masamang bisyo — balewala ito sa iba kung ito man ay kasalanan o hindi. Naging bahagi na ito sa pamumuhay ng karamihan — kapit na kapit na ito sa kanilang mga sarili. Wala nang halaga kung ito man ay nakapipinsala o hindi!
Kung minsan, ginagamit pa itong propesyon o hanap-buhay, paraan upang masunod ang luho sa sarili, makaahon sa kahirapan at iba pa, na sa pag-aakala ay wala itong ibubunga na kasamaan.
Kung batid nga lamang nila, na ito ay isa sa malaking kasalanan sa harapan ng Allah. Bukod sa pinupukaw lamang nito ang poot sa kalooban ng isa’t isa, nagbibigay din ito ng immoralidad sa katauhan ng isang tao.
Hindi ito nakapagdudulot ng kabutihan sa tao at kung mayroon man ay napakaliit lamang, na ang hahantungan din sa bandang huli ay pagkawasak at kapahamakan!
Ipinapakita ng mga pag-aaral, na karamihan sa mga nanalo sa larong sugal ay nasa mas mahirap pa na sitwasyon ilang taon matapos niya mapanalunan ang malaking halaga ng pera mula sa sugal.
Kokonti, kung mayroon man, ang tapat na ibinigay ang pera para sa magandang hangarin.
Dahil kailanman’y, hindi maaaring magbunga ng mabuti ang kasamaan, kundi ng kasamaan din! Maliwanag na sinabi ng Allah sa Quran:
“Sabihin (mo sa kanila O’ Muhammad): “Hindi magkatulad ang masama at ang mabuti, kahit na kaakit-akit at nakasisilaw ang idinudulot na kasaganaan ng kasamaan. Samakatuwid! O’ tao na may pang-unawa, Katakutan ninyo nang labis ang Allah (sa pamamagitan ng pag-iwas sa lahat ng uri ng mga kasalanan at kasamaan na Kanyang ipinagbawal) at mahalin ninyo Siya nang labis (sa pamamagitan ng paggawa ng lahat ng uri ng mga kabutihan na Kanyang ipinag-utos), upang kayo ay maging matagumpay.”
Kapatid na naniniwala sa Poong Lumikha, para sa ating kapakanan ang pagbabawal na ito ng Diyos. Sa katunayan, napakabait ng Allah sa atin, ibinigay na Niyang lahat-lahat ang makabubuti para sa atin — ang pinakawastong pamamaraan ng pamumuhay! Subali’t ang iba ay ayaw pa ring pahalagahan ito!
Kong ang ating mga relihiyon o pananampalataya ang ating pagbabasehan, ang lahat ng uri ng sugal na sangkot ang salapi at mga ari-arian, ay ipinagbawal ng Allah na tulad ng: Lottery, Lotto, Sweeptakes, Casino, Jai-alai, Jueteng, Karera, Sakla, Madyong, Pares-Pares at iba pang mga laro na kauri nito.
Ang masaklap nga lang nito, ay kalat na kalat na sa ating lipunan ang mga ganitong bisyo, at tila pinababayaan ng mga Nanampalatayang Kristiyano at mga Muslim. O pinapansin man ng mga Pilipino ngunit walang suporta ang mga kinauukulan.
Sa ating bansa, may ilang uri ng sugal na ginawang legal ng pamahalaan, na kinabibilangan ng mga kilalang tao sa lipunan at may malakas na impluwensiya!
At ang iba namang sugal na hindi ginawang legal ng pamahalaan ay nagkalat at naglipana naman sa ating kapaligiran!
“Paano mapabubuti ang lipunan kung ganitong sistema ang umiiral?” tanong na may paghihinakit ng isang ina ng tahanan.
Ang daing naman ng isang retaradong guro: “ Hindi kaya ito ang dahilan kung bakit maraming hinaharap na mga suliranin ang bayan, kung bakit dumadanas ng tag-gutom at kahirapan ang mga tao, kung bakit nagaganap ang iba’t ibang uri ng mga kalamidad, kung bakit kumakalat ang mga sakit na wala nang lunas at kagalingan?”
Ang sabi naman ni Imaam Ahmad: “…ito ang parusa ng Allah sa mga sumusuway sa Kanya?
May tanong ng isang ama: “…paano naman kung ang mga kinikita ay itinutulong sa kawanggawa?”
At ikakatuwiran pa ng iba na ang mga kinikita nito ay itinutulong sa mga mahihirap, pinagpapagawa ng mga paaralan, sumusuporta sa paglikha ng mga ‘generating income,’ tinutulong sa mga institusiyon na tulad halimbawa ng masjid, Madraza, ‘Home for the Aged,’ Bahay Ampunan, at iba pa.
Kung ganito ang mga pakinabang na nakukuha, ituturing bang kabutihan ang mga hakbang na ito? Sa tingin ninyo kaya ay magiging makatarungan na ito? Magiging katanggap-tanggap sa paningin ng Tagapaglikha? May gantimpala pa rin kaya ang mga gumagawa nito?
Maaaring ang pangkaraniwang kaisipan ng isang tao ay sumang-ayon sa ganitong katuwiran, subali’t hayaan nating ang batas ng Allah ang humatol.
Mababatid sa pahayag ng Propeta (Muhammad, sallallahu ‘alayhi wa sallam), kung may saysay nga ba ang mga kinita mula sa masama kapag ito ay kanilang ginamit sa kabutihan?
“May isang lalaki na nagtanong sa Sugo ng Allah (Muhammad): ‘O Sugo ng Allah, nagnenegosyo ako ng alak at nakaipon ako ng pera mula sa pinagkitaan nito. Mayroon ba akong pakinabang sa kinita nito, kung sakali na akin itong gagastahin sa mga gawang kabutihan bilang pagsunod sa Allah ang Kataas-taasan?
“Sumagot ang Sugo ng Allah: ‘Kung ito ay ginamit mo para sa Hajj, o para sa Jihad, o para sa Kawanggawa, ang halaga nito sa paningin ng Allah ay hindi hihigit sa pakpak ng isang lamok. Tinatanggap lamang ng Allah kung ano ang mabuti.’
“At upang ipagtibay ang sinabi ng Sugo ng Allah, inihayag ng Allah ang talata na: “Sabihin (mo sa kanila O Muhammad): ‘Hindi magkatulad ang masama at ang mabuti, kahit na kaakit-akit at nakasisilaw ang idinudulot na kasaganaan ng kasamaan…’ “
Sa katunayan, ang anyayahan nga lamang ang tao na magsugal ay mangangailangan na ng kabayaran, paano pa kaya kung ito ay gagawin mismo nang aktuwal?
Sinabi ng Sugo ng Allah (Muhammad): Ang sinumang nagsabi sa kanyang kasamahan na, ‘Halika, magsugal tayo,’ kinakailangan na siya ay magbigay sa kawang-gawa.”
Biruin mo, nagyaya ka lamang at ikaw ay magmumulta na..
Sinasabi sa Bibilia sa aklat ng Kawikaan 13: 11:
“Ang yamang tinamo sa daya ay madaling nawawala, ngunit ang yamang pinaghirapan ay pinagpala.”
Ipinakikita rito kung gaano kahigpit na ipinagbabawal ng Poong Lumikha o Allah ang ganitong gawain! Dahil na rin sa ito ay makasisira sa atin! Na kung kaya, huwag pahintulutan na kayo mismo ang magwasak sa inyong mga sarili!
Papaano kaibigan sadyang napaikli ang ating panahon, hanggang dito na lamang muna, Insha Allah (kong pahihintulutan ng Allah) sa susunod na pagsasama natin sa himpapawid, bukas… sama-sama tayo sa segment na nakaka ating programang buhay buhay sa DXUP FM.. ito ang inyong Kaka Alih. Sukran and Wassallam.


