Suliranin ng mga Katutubo ng Mindanao, ano ang sulosyon?
August 30, 2010 (June 8, 2010 - Script na sinulat ni Alih Anso para sa programang “Buhay –buhay sa DXUP” (7:00-8:00 A.M) sa segment na “Nakaka”. Host Lenyrose Bajar Sunio)
Lenyrose: – “Suliranin ng mga Katutubo ng Mindanao, ay suliranin ng Sambayanang Pilipino, ito ang tatalakayin ni Kaka Ali sa ating segment na nakaka ngayong umaga, kaya samahan kami….”
(Play- Intro-Nakaka)
Kaka Alih: Kong pagbabasehan ay ang mga ulat sa pahayagan at balita sa mga telebisyon, mukhang puwersang militar ang pangunahing solusyon ng pamahalaan sa kaguluhan sa Mindanao. Ang maliwanag na pruweba ay ang mga nagdaang all out war ni Erap, ang stick and carrot ni Gloria Macapagal Arroyo.
Nitong mga nakaraang taon, pagkatapos ng maabort ang pormal na pirmahan sa MOA AD noong August 5, 2008 sa Kuala Lumpur, Malaysia, sa pagitan ng GRP at MILF peace panel ay nagkarooon muli ng malawakang military operation laban sa mga rebeldeng Bangsamoro. Kaya ang sumunod ay giyera, na siyang nagtaboy sa mga Katutubo (native inhabitants) ng Mindanao sa kanilang mga tahanan, at napilitang manirahan sa evacuation center, at muling mapabilang sa libo-libong mamamayan na maghihintay sa “relief goods” mula sa goberno, UN, at INGO/NGO, na hindi naman sapat dahil kong minsan ay nahahati sa mga hindi naman bakwet.
Hanggang sa kasalukuyan ay umaabot pa rin sa libo-libong pamilya ang naapektuhan ng labanan sa pagitan ng mga pwersa ng gobyerno at iba’t ibang armadong grupo sa Mindanao. Hindi lamang ng mga katutubokundi kabilang na dito ang mga pamilyang nasa produksyon ng palay at mais, ito ang ating mga mamamayang mga magsasaka, na siyang bumubuhay sa atin. Kaya naman hindi lamang ang naapektuhan ng giyera ang naghahangad na itigil na ang giyera.
Higit na desido na mabigayan na ng lunas ang problema, ang mga pamilyang direkatang naapektuhan, silang lahat ay humihiling na sana’y matapos na ang kaguluhan sa rehiyon upang makabalik na sila sa kanilang mga tahanan at hanapbuhay. Ngunit ang ating pamahalaan ay tila wala pang tuwirang sulosyon, ang lahat ay umaasa sa bagong administrasyon ni Noynoy, ang pag-asa ng bansa.
At dito sa ating bayan ng Upi ay mapalad tayo dahil ang ating dating three termer at outstanding mayor ng Upi na ngayon ay vice mayor, ay isa sa limang membro ng peace panel ng goberno na makikipag-uasap sa Moro Islamic Liberation Front (MILF). Yes, nitong kamakalawa ay pormal na dineklara ni Chairman Leonin Senen ng GRP peace panel sa publiko ang appointment ni Hon Vice mayor Ramon A. Piang Sr, .representing the Indigenous people o ng mga katutubo.
Ok balik tayo sa problema, sa totoo lang mga kapatid, kung susuriin ang kasaysayan ng ating rehiyon, malinaw na may malalim na ugat ang suliranin ng mga naninirahan dito sa Mindanao. Sa isang makasaysayang kumperensyang ginanap sa pagitan ng Lumad (Indigenous people), Bangsamoro at mga “Kristiyano” (Descendants of Settlers from Luzon and Visayas), lumabas na madami sa mga sala-salabat (compliciated) na problema sa rehiyon ay nakaugat sa ‘di pagkilala ng pamahalaan sa kanilang karapatan sa lupa, (ancestral domain claim) at karapatang pangtao.
Ayon sa pananaw ng mga delegado ng Mindanaw Tri-People Conference on Land for Peace, ang kapayapaan sa buong Mindanao ay nakasalalay sa pagkilala ng karapatan ng mga Lumad at Bangsamoro sa kanilang mga lupang ninuno (ancestral domain). Para sa mga katutubo ay mahalaga rin ang agarang pagsauli at pagtatalaga sa kanila sa mga lupaing ito.
Subalit masalimoot o madaming problemang nakaharang para makamit nila ang mithiing ito.
Una na dito na problema ay ang pangangamkam ng mga pribadong kumpanya (lalo na ‘yung mga kumpanya ng pagmimina, pagtotroso, at mga plantasyon) sa mga lupang ninuno ng mga Bangsamoro at Lumad.
Sinabi pa ng mga delegado na bagamat kinikilala ng Saligang Batas ang karapatan ng mga Indigenous Peoples (IP’s) at mga Bangsamoro sa kanilang mga lupang ninuno, hindi naman naipapatupad ang mga batas at reglamento. Halimbawa ay ang Indigenous People’s Rights Act o RA 8371) na siya dapat magtiyak ng karapatang ito.
Katunayan, magmula nang ipasa ang IPRA Law ay wala pang konkretong hakbang ang pamahalaan ng Republika ng Pilipinas upang ipatupad ang mga probisyon ng nasabing batas, lalo na pagdating sa pamamahagi ng Certificate of Ancestral Domain Title (CADT), na siyang instrumentong kumikilala sa karapatan ng mga katutubo sa kanilang lupang ninuno.
Banta rin sa pagtiyak ng kanilang karapatan sa lupa ang umano’y pagkiling ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa mga malalaking kumpanya na pumapasok sa mga lugar na tinuturing na sagrado sa mga katutubo
Matagal na ang pakikibaka ng mga katutubo upang ipaglaban at protektahan ang lupang iniwan sa kanila ng kanilang mga ninuno mula sa pangangamkam ng mga “tagalabas”. At ang waring mabagal na pagkilos at pagtetengang-kawali ng pamahalaan sa kanilang mga kahilingan ay tanda umano ng kawalang pagpapahalaga ng pamahalaan sa kultura at karapatan sa lupa ng mga katutubo.
Ganun paman, hinihingi pa rin ng iba’t ibang grupo na aksyunan ng pamahalaan ang dumadaming kaso kaugnay sa mga “problematic landholdings” na sakop ng mga Lumad (Indigenous people), Bangsamoro at mga “Kristiyano” (Descendants of Settlers from Luzon and Visayas). Dapat din umanong tiyakin na ang mga ahensya ng pamahalaan, pangunahin na ang DENR, National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) at Department of Agrarian Reform (DAR) na maitataguyod ang karapatan sa lupa ng mga katutubo sa Mindanao. Dagdag dito, hiniling din ng mga kinatawan ng mga grupo sa pamahalaan na huwag pahintulutang magmay-ari ng lupa sa Pilipinas ang mga dayuhang negosyante at mamumuhunan (financers) .
Kung gagawing batayan ang kahilingan ng mga Katutubo sa Mindanao, malinaw na hindi pwersang militar ang kailangan para malutas ang kaguluhan sa rehiyon. Malinaw na ang susi ay nasa pagtugon sa mga matagal nang kahilingan at panawagan ng mga katutubo na kilalanin ng pamahalaan ang kanilang karapatan sa lupa.
Sabi ng eksperto ang kinakailangan lamang, para maisagawa ang lahat ng pagtanaw na ito ay isang pinuno na may “political will”. Isang lider na hindi natatakot ipaglaban ang karapatan ng minority laban sa nakakaraming Pilipino.
Ang suliranin ng mga katutubo sa Mindanao ay suliranin ng sambayanang Pilipino.
Sukran .. Kapayapaan.
(play EXTRO-Nakaka)


