Pagsusunog ng Dayami patuloy pa rin.
September 22, 2010
Balita by Nenita Minted on Wednesday, September 22, 2010 at 7:47am
(Nuro Upi-Sept 22) Bagamat mahigpit na ipinagbabawal sa batas, patuloy pa rin ang pagsusunog ng dayami dito sa bayan ng Upi.
Kagabi at hanggang sa mga sandaling ito ay matatanaw ang hayagang pagsusunog ng mga dayami ng palay sa may Barangay Nuro, ng magsimula ang anihan ng palay ay sunod-sunod na pagsusunog ng mga magsasaka ng kanilang mga dayami sa kanilang mga sakahan.
Nakasaad sa batas na Ordinance #3 o “A Comprehensive Ecological Solid Waste Management Ordinance of the Municipality of Upi as Amended” kung saan, papatawan ng kaukulang multa ang sinumang magsusunog ng kanilang mga dayami, corncob at iba pang mga nabubulok na bagay.
Nakasaad din sa batas na kinakailangan malinis ang paligid sa lahat ng panahon. Ang bawat tindahan ay kinakailangan na magkaroon ng dalawang lalagyan ng kanilang mga basura: nabubulok at hindi nabubulok.
Matatandaang Ang Ecological Solid Waste Management Ordinance ESWM project ay pormal na inilunsad ng Local na Pamahalaan ng Upi noong December 20, 2007, sa pangunguna ni Upi Mayor Ramon A Piang Sr..
Naatasan naman na maging Municipal Enviroment Natural Resources Officer ay si Gloria B. Sentillo. Ang opisinang ito ang nangaganlaga sa kalinisan ng paligid, lalo sa pamamahala sa tamang pagtatapon ng mga basura.
Ang pagpapatupad ng nasabing batas ay bilang pangangalaga sa kalusugan ng mamamayan. layunin ng Lokal na pamahalaan na mapabilang sa isa sa malinis na bayan sa bansang Pilipinas.
Pagsusunog ng Basura Bakit Ipinagbabawal?
(September 21, 2010- Script na sinulat ni Alih Anso para sa programang “Buhay –buhay sa DXUP” (7:00-8:00 A.M) sa segment na “Nakaka”. Host –Lenyrose Bajar Sunio)
Lenyrose: “Pagsusunog ng mga basura, bakit ipinagbabawal na sa ngayon? Samantala noon ay hindi naman ito ipinagbabawal..? Bakit nga Ba? Samahan kami ni Kaka Ali sa ating segment na nakaka at baka masagot ang mga napakaraming katanungan na naglalaro sa inyong mga sarili…
(Play- Intro-Nakaka)
Kaka Alih: Nang mapag-usapan natin sa ating community radio na DXUP FM, sa mga information drive ng LGU Upi, na ang pagsusunog ng basura ay ipagbabawal na ay agad na umani ng mga reaction. “Matagal ng ginagawa ng tao ang pagsusunog o pagpapausok ngunit wala namang nangyayari, bakit ngayon lang?” Ang aking lola, lolo, si nanay araw-araw nagsusunog ng mga dahon ng mangga at punong kahoy bakit ngayon ay bawal na?:” tanong ng isang ginang.
Kaibigang nakikinig, ibigay mo ang iyong konting panahon, tayo ay magbibigay ng information, may kaugnayan sa mga tanong sa inyong mga sarili, ng maintindihan natin kong bakit ipinagbabawal na ang pagsusunog ng mga basura, kasama na diyan ang dayami ng palay, pakaw ng maiso corncob o anumang pwdeng sunugin sa ating kapaligiran.
Simple lang ang kasagutan kaibigan dahil isa ito sa nagdudulot ng pulosyon sa ating himpapawid.
Ang tanong ano ang pulosyon? Sabagay maraming kalase ang pulosyon may sa hangin, sa tubig at kapaligiran natin. Narito ang ilan sa paliwanag para maintindihan;
· Madalas nating naririnig ang salitang polusyon sa telebisyon o di kaya naman ay nababasa sa mga libro o kaya naman mga pahayagan. Ngunit karamihan sa atin ay hindi nalalaman kung gaano na kalala ang sitwasyon ng polusyon sa ating kalikasan.
· Sa panahon ngayon ayon sa isang pag-aaral ang mga ilog sa Asya ay ang mga pinakamaduduming ilog sa buong mundo at kasama ang Pilipinas dito.
· Ayon sa pag-aaral, mas madami ng tatlong beses ang mga bakterya mula sa dumi ng tao ang mga ilog sa Asya kumpara sa average ng pangkahalatang ilog sa buong daigdig. Bukod pa rito, halos kalahati ng buong populasyon sa buong mundo ang nakakaranas ng problema sa polusyon sa tubig at taon-taon halos sampung milyon ang namamatay dahil lamang sa mga maduduming tubig na iniinom.
· Sa ngayon, talagang malala na ang problema natin sa polusyon.
Sadyang napakaraming mga tanong na dapat may kasagutan, halimbawa sa mga maraming katanungan ay:
Ø Ngunit ano nga ba ang mga sanhi nito?
Ø Saan ba ito nagmula?
Ø Ano ang mga maaaring maging epekto nito sa atin?
Ø Papaano natin ito mapupuksa o kaya naman ay mabawasan ang pulosyon?
Sinasabi na maaring nagsimula ang polusyon noong una pang sinaunang panahon. Noong natutunan ng tao ang pagamit ng apoy, malamang nakapagpakawala ang apoy ng Carbon dioxide na siyang maaring naging sanhi ng unang polusyon. Maari rin naman na noong unang panahon, ang mga dumi ng tao ay basta na lamang tinatapon sa mga ilog at iba pang katawan ng tubig. Ito naman ay maaring naging simula ng polusyon sa tubig ngunit hindi naman naging masama ang epekto ng mga unang sanhi ng polusyon na ito dahil sa hindi naman ganoon kalala at kalaki ang epekto nito.
6. Noong panahon ng mga dakilang sibilisasyon, mas naging madalas ang polusyon. Marahil ay mas dumami na ang mga tao noong panahong iyon at mas dumami pa ang kanilang mga kalat at duming itinatapon. Bukod pa doon, ginagamit pa ang apoy na siyang nakapagpadumi sa hangin. Ngunit talagang lumala na ang ating problema sa polusyon noong nagsimula na ang panahon ng pagiging industrialisado dahil sa dito na nagawa ang stim enjin (steam engine) makina na gumamit ng apoy. At mula noon hanggan sa ngayon, patuloy na lumala ang ating problema sa polusyon.
Balikan natin ang mga pangunahing uri ng polusyon.
Una na nating nabanggit ang polusyon sa hangin.
v Ito ay ang pagdumi o pagsira natin sa ating atmospera. Ito ay sinasabing may pinakadelikadong epekto dahil sa saklaw nito kahit ang ating pandaigdigang klima. Sinasabi rin na ito ay lumalaganap dahil sa apat na dahilan. Paglaki ng trapiko, pagunlad ng mga siyudad, mabilis na pag-usbong ng mga ekonomiya ng maraming bansa at ang industriyalisasyon.
v Ilan sa sanhi nito ay maaring apoy, pagluluto o kaya naman ay sulpur dioxide na ating nilalabas sa hangin. Kabilang din ang mga kemikal na nagdudulot ng masasamang epekto sa atmospera sa mga sanhi ng polusyon.
v Ayon sa mga eksperto, ang pinakamalaking sanhi nito ay ang pagsunog ng karbon at langis. Nangyayari ito dahil sa pagsunog ng langis o gasolina, ang lahat ng maruruming kemikal ay lumamalabas dito sa porma ng usok. Ang usok ay lumalabas at umaangat patunggo sa atmospera. Isang halimbawa nito ay ang mga sasakyang nagbubuga ng usok. Ang langis na ginagamit sa mga sasakyan ay sinusunog at nilalabas sa tambutso ng mga sasakyan. At matapos ilabas ang maruming usok na ito, aangat ito patunggo sa atin atmospera na nagiging sanhi ng pagkawasak ng ating kalawakan o ozone layer.
v Maraming nagiging bunga ang polusyon sa hangin. Isa rito ay ang ulang asido. Nangyayari ito kung may mga mapaminsalang kemikal tulad ng SO2 (Sulfur Dioxide). Na sadyang banta sa kalusugan ng tao. Ilan sa mga sakit na maaring idulot ng smog ay asma, empaysima, bronkaytis at maari din maging sanhi ng paguubo at mga alergies.
v Isa pang bunga ng polusyon sa hangin ay ang pagtaas ng pandaigdigang temperature (GLOBAL WARMING) . Ito ay sanhi ng pagkukumpol-kumpol ng CO2 at iba pang mapaminsalang kemikal sa atmospera na tinatawag na grinhaws gases.
a) Nangyayari ang tinatawag na grinhaws efek kapag ang mga mapaminsalang kemekal o ang mga grinhaws gases ay nagkukumpol-kumpol sa ating atmospera. Dahil dito, ang init na mula sa araw ay kinukuha at iniipon ng mga grinhaws gases na ito imbes na bumalik ang init sa kalawakan.
b) Kaya naman ang nagiging epekto nito ay mas nagiging maiinit at tumataas ang ating pandaigdigang temperatura.
c) Kahit kaunting pagtaas lamang sa temperatura ay maarin nang magsanhi ng malaking kawalan ng balanse sa mga tao at hayop.
d) Bukod pa rito, unti unti ring natutunaw ang mga yelo sa taas at baba ng mundo na nagiging sanhi ng pagtaas ng lebel ng tubig sa atin.
e) Kung di natin ito mapipigilan, maaring maging mas madalas ang pagbaha. Isa pang epekto ng grinhaws ay ang pagbabago ng ating pandaigdigang klima.
f) Kaya inaasahang mas magiging malalakas ang mga darating na bagyo at mas magiging mainit at mahirap ang mga darating ng mga tagtuyot o El nino.
g) Isa pang bunga ng polusyon sa hangin ay ang pagkasira ng atmospera partikular ang startospera. Ang stratospera ang humaharang sa sinag at init ng araw upang di naman masyadong maging maiinit sa mundo. Dito natatagpuan ang ozone na isang manipis na leyer na siyang nagsisilbing harang sa mapaminsalang init ng araw. Nasisira ang stratospera kasama na rin ang ozone dahil sa mga mapaminsalang CFC of cloroflourocarbon. Dahil sa CFC, nasisira nito ang ozone at mas nakakapasok ang sinag ng araw sa ating daigdig partikular sa may bahagi ng Antartika. Kung hindi natin ito mapipigilan, maaring magsanhi pa ito ng mas mabilis na pagkatunaw ng yelo sa ating daigdig at maaring maging sanhi ng pagtaas ng lebel ng tubig sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Katulad ng grinhaws, maaring magsanhi ang mga CFC sa madalas na pagbaha at pagkasira sa pandaigdigang klima ng mundo.
h) Maraming maaring maging masamang bunga ang polusyon sa hangin hindi lamang sa ating kapaligiran ngunit pati na rin sa ating kalusugan. Ilan sa mga maari mong makuha ay kanser lalo na sa baga, asma, bronkaytis, panghihina ng baga, alergy, lagnat, paguubo, pagkairita sa mata, ilong o kaya naman sa ibang parte ng iyon katawan, numonya at pagkahina ng baga.
Ang iba pang uri ng polusyon ay tatalakayin sa susunod na talakayan natin sa buhay-buhay sa DXUP…
Ang inyong segment producer at writer Kaka Ali ang inyong abang lingkod Wasallam…
ilala mo ba si Pangulong Ferdinand E. Marcos?

(September 21, 2010- Script na sinulat ni Alih Anso para sa programang “Buhay –buhay sa DXUP” (7:00-8:00 A.M) sa segment na “Nakaka”. Host –Lenyrose Bajar Sunio)
Lenyrose: “Kilala mo ba o maalaala mo pa ba si Pangulong Ferdinand E. Marcos? Iyan ang ipapakilala o sasariwain sa atin ni Kaka Ali.. ang panahon sa Marcos na mahirap kalimutan ng mga Pilipino…
(Play- Intro-Nakaka)
Kaka Alih: Ang presidente ng Pilipinas na nagdekalara ng Batas Militar o martial Law 38 taon ang nakakalipas (Setyembre 21, 1972.)
Si Ferdinand Emmanuel Edralin Marcos (Isinilang si Marcos noong Setyembre 11, 1917 sa bayan ng Sarrat, Ilocos Norte at namayapa noong Setyembre 28, 1989) ay ang ikasampung Pangulo ng Republika ng Pilipinas (Disyembre 30, 1965-Pebrero 25, 1986). Siya ay isang abugado, kasapi ng Kapulungan ng mga Kinatawan mula 1949 hanggang 1959 at kasapi ng Senado ng Pilipinas mula 1959 hanggang 1965. Noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, siya ay naging lider-gerilya sa hilagang Luzon. Noong 1963, siya ay naging Pangulo ng Senado kapalit ni Senador Eulogio Rodriguez, Sr.. Bilang Pangulo ng Pilipinas, kahanga-hanga ang kanyang mga nagawa sa larangan ng diplomasya at pagpapagawa ng mga mahahalagang imprastraktura sa bansa. Ngunit, ang tagumpay ng kanyang pangasiwaan ay nabahiran ng talamak na katiwalian, paniniil sa karapatang pantao, at panunupil sa oposisyon. Bumagsak ang kanyang pamunuan sa Rebolusyon sa EDSA na naganap noong 1986.
Ang unang panunungkulan ni Pangulong Marcos mula 1965 hanggang 1969 ay may layuning gawing dakilang muli ang Pilipinas. Ang sabi niya: “This nation can be great again!”
Malawakang paggawa ng kalye, tulay, patubig at paaralan ang kanyang pinasimulan. Nabawasan ang krimen, lumaki ang produksyon sa agrikultura dahil sa reporma sa lupa at dumami ang serbisyo ng pamahalaan lalo na sa kalusugan. Nabago rin ang hukbong sandatahan at nakipag-ugnayan tayo sa iba’t ibang bansa.
Ngunit nang muli siyang mahalal noong taong 1969, nagbago ang sistema ng kanyang pamamalakad. Maraming Pilipino ang nagalit dahil sa pambansang kahirapang ibinunga ng labis na paggasta at pangungutang ng pamahalaang Marcos sa ikalawang termino nito.
Para maintindihan kong papaano tayo umabot sa pagdekalara ng Martial Law. Iisa-isahin natin ang mga pangyayari sa bansa na nagtapos sa pagdedeklara ng Batas Marsyal.
Unahin natin ang mga Mga Suliraning Pangkabuhayan.
Sa pangalawang termino ni Pangulong Marcos, patuloy na lumaki ang panlabas na utang ng pamahalaan. Ang mga proyektong kanyang sinimulan ay ipinangutang niya sa mayayamang bansa.
Tumaas din ang halaga ng langis sa pandaigdigang palengke. Patuloy na umangkat ang Pamahalaang Marcos, kayat tumaas din ang halaga ng mga bilihin.
Binuksan ni Marcos ang bansa sa mga dayuhang mamumuhunan. Ngunit nilapastanganan naman ng mga ito ang ating likas na yaman. Patuloy na yumaman ang mga kapitalista at patuloy namang naghirap ang mga mahihirap.
Tungkol naman sa mga suliraning panlipunan:
Bunga ng mga suliraning pangkabuhayan, nagsimula ang maraming suliranin sa lipunan. Ang mga mayayaman at mga puilitiko ay nagtatag ng kanikanilang private army. Madali ang pamimili ng mga armas at baril; karamihan ay galing sa ibang bansa. Habang nangyayari ito, tumaas ang antas ng krimen sa bansa, marahil dahil sa malayang bilihan ng armas at lumalagong mga private army.
Samantala, dahil sa pahirap nang pahirap ang buhay at maliit na kita ng mga manggagawa, nagsimula ang maraming pag-aaklas na sinuportahan ng mga aktibistang mag-aaral. Ang mga manggagawa at mag-aaral ay halos araw-araw na laman ng lansangan upang mag-rally o magdemonstrasyon laban sa pamahalaang Marcos. Dito nagsimula ang “parliaments of the streets.”
Nandiyan din ang mga suliraning pampulitika:
Dahilan sa mga nagaganap sa lipunan, dumami ang nawalan ng tiwala sa pamahalaan at sa mapayapang reporma. Iba’t ibang samahan na may iba’t ibang simulain ang natatag. Ilan sa mga ito ay ang CPP (Communist Party of the Philippines), NDF (National Democratic Front), at NPA (New People’s Army).
Mga intelektuwal, mga manggagawa, at mga mag-aaral ang kasapi sa mga samahang iyon. Ang iba’y namundok at nagplano ng pag-aalsa. Sa Mindanao, lumala naman ang hidwaang Kristiyano at Muslim at naitatag ang MNLF (Moro National Liberation Front).
Ang mga rally at demonstrasyon ay naging magulo. Nagkaroon ng mga paglalaban ng militante ng demonstrador at militar. Noong Agosto 21, 1972, nagkaroon ng isang malaking pagsabog sa Plaza Miranda sa Maynila, ang pook na madalas pagdausan ng mga demonstrasyon. Dahil sa mga kaguluhan, nilagdaan ni Pangulong Marcos ang Proklamasyon 889 o pagsuspindi sa Writ of Habeas Corpus at pagkaputol ng karapatang dinggin sa hukuman ang mga kaso ng mga inaaresto ng pamahalaan.
Sinasabing noong Setyembre, 1971, si Kalihim Juan Ponce Enrile ng Tanggulang Pambansa ay tinambangan ng mga rebelde at muntik nang mapatay. Ito ay pagkaraang hulihin ang MV Karagatan sa Palanan, Isabela. Ang
barko ay naglululan ng mga di-rehistradong armas. Noon ding buwang iyon, ibinunyag ni Senador Benigno “Ninoy” Aquino ang planong pagdedeklara ng Batas Marsyal ni Pangulong Marcos sa ilalim ng planong “Oplan Saguittarius.”
Si Aquino ang matinding kalaban ni Pangulong Marcos sa pulitika at may kakayahan sanang maging pangulo rin ng bansa.
Papaano nadeklara ang Batas Militar o Martial Law?
Dahil sa nabanggit na mga pangyayari, isang tahasang kasagutan sa nabubuong panganib ang naging aksyon ng Pangulong Marcos. Noong Setyembre 21,1972, narinig ang sirena ng pulis sa buong Pilipinas. Nawalan ng kuryente ang buong bansa. Nang magka-kuryente, nawala naman ang mga programa sa radyo at telebisyon. Nang bumalik ang kuryente, tumambad sa telebisyon ang larawan ni
Pangulong Marcos sa lahat ng istasyon. “I signed proclamation No. 1081…” Ito ang mga katagang kanyang binitiwan.
Sa pagkadekalara ng Martial Law, maraming nag-alala at natakot sa panig ng mga bumabatikos kay Pangulong Marcos. Sa isang banda, may mga natuwa rin sapagkat inaakala nilang mababawasan ang kaguluhan sa lipunan.
Ang Saligang Batas ng Pilipinas 1935 ang naging batayan ni Pangulong Marcos sa pagdedeklara ng Batas Marsyal. Sa Artikulo VII, Seksyon 10 ng Saligang-Batas, nasasaad na: “Ang Pangulo ang kumandante ng lahat ng sandatahang lakas ng Pilipinas; kailanman at kakailanganin, maaari niyang tawagan ang sandatahang lakas para magapi ang mga taong gumagawa ng karahasang labag sa batas gaya ng pananakop, paghihimagsik o rebelyon. Maaari niyang suspindihin ang writ of habeas corpus o ilagay ang bansa o alinmang bahagi nito sa ilalim ng Batas-Militar!”
Kung hindi naidineklara ang batas militar noong 1972, magkakaroon sana ng eleksyong presidensyal noong 1973. Ito na ang katapusan ng dalawang terminong panunungkulan ni Presidente Marcos. Sa ilalim ng Konstitusyong 1935, hindi na siya maaaring tumakbo bilang presidente.
Noon pa man, ang inaasahan nang humalili sa kanya bilang presidente ay ang batang senador na si Benigno Aquino Jr. ng Partido Liberal. Ngunit di ito naganap. Sa halip na manungkulan sa Malakanyang, sa mga bilangguan ng gobyernong batas militar nakulong ang senador. Isa siya sa mga unang hinuli nang ideklara ang batas militar.
Ang Batas Militar sa Pilipinas ay bukod tangi. Sa ibang bansa, sa ilalim ng Batas Militar, ay sibilyan pa rin ang may kapangyarihan bagamat ang pamumuno ay hawak ng militar ng bansa. Sa Pilipinas, malawak ang naging kapangyarihan ni Pangulong Marcos. Nagpatuloy siya bilang Pangulo at kumandante ng lahat ng militar, at nagpatupad ng maraming pagbabago. Noong Hulyo 27-28, 1973, pinagtibay ng isang referendum ang malawak na kapangyarihan ni Pangulong Marcos. Sa tanong na “Nais pa ba ninyong mamuno si Marcos…?” 90% ang sumang-ayon.
Nagkaroon ng pakunwaring wakas ang Batas Militar noong Enero 17, 1981 sa pamamagitan ng Proklamasyon 2045 na nilagdaan ni Marcos.
Sa kabila ng pagtatapos ng Martial Law ay hindi nahinto ang paglaganap ng kapangyarihan ng komunista sa bansa. Nabahala ang mga Amerikano kaya kinumbinse nila si Marcos na magdaos ng Presidential Snap Election upang Makita kung sinusuportahan pa rin ng tao ang kanyang pamahalaan. Idinaos ang halalan noong Pebrero 7, 1986 at nakalaban niya si Cory, ang asawa ng dating Senador Ninoy Aquino na Mahigpit niyang tagatuligsa.
Ayon sa Comelec ay nanalo si Marcos ngunit sabilang ng Namfrel ay si Cory naman ang nanalo. Nagprotesta si Cory at tumawag ng civil disobedience. Nagsagawa naman ng kudeta sina Fidel Ramos at Juan Ponce Enrile. Nanawagan naman sa tao si Jaime Cardinal Sin kaya dumagsa ang mga tao sa EDSA na nagnanais na mapalayas si Marcos sa puwesto. At naganap ang makasaysayang People’s Power na nagpatalsik kay Marcos.
Si Marcos, ang kanyang pamilya at ilang miyembro ng gabinete ay dinala ng mga Amerikano sa Estados Unidos upang maiwasan ang madugong pangyayari na maaaring maganap sa pagitan ng mga tagasunod nito at ni Cory Aquino.
Namatay si Marcos noong Setyembre 28, 1989 sa Makiki, Hawaii. Iniuwi sa bansa ang kanyang bangkay t inilagsak sa isang glass case crypt sa kanyang sinilangang bayan. Namatay siya sa gulang na 72.


