Teamwork
July 12, 2011
(July 12, 2011 -Martes- Script na sinulat ni Alih Anso para sa programang “Buhay –buhay sa DXUP” (7:00-8:00 A.M) sa segment na “Nakaka”. Host Nancy Lawan)
Host/Nancy: Gusto mo ba ng tagumpay ng inyong team o grupo? Ang kailangan ninyo ay pagtutulungan na magkakasama o teamwork, samahan ninyo kami ni Kaka Ali ang ating segment writer sa Nakaka, dahil teamwork ang kanyang tatalakayin.
(Play- Intro-Nakaka)
Host/Nancy: Magandang umaga, Kaka Ali, anong nakaka ang ibabahagi mo ngayon?
Kaka Ali: Magandang umaga Nancy. Assallamu alaikum Warahmatullahi Wabarakatuh. Ang payo ng mga expert: “Para makamtan ng team ang tagumpay sa anumang larangan ay kailangan mamayani ang tinatawag na pagtutulungan ng magkakasama o sa wikang banyaga ay teamwork.
Sabi ng mga eksperto, kinakailangan natin ang pakikipag-ugnayan sa iba, sa ating mga kasama lalo na kung tayo ay nasa trabaho. Pagtutulungan ng magkakasama, kailangan para sa tagumpay.
Teamwork o pagtutulungan ng magkakasama ay isang pinagsamang aksyon ng dalawang tao o higit pa, na kung saan ang bawat tao ay tumutulong sa iba’t ibang mga kasanayan at ipinapahayag ang kanyang indibidwal na mga interes at opinyon sa pagkakaisa ng grupo upang makamit ang karaniwang mga layunin. Ngunit hindi ito nangangahulugan na ang mga indibidwal o isahan ay hindi na mahalaga.
Ang pagkakamit ng tagumpay ng grupo ay mabisa at mahusay na pagtutulungan ng magkakasama.
Ang pinaka-epektibong pagtutulungan ng magkakasama ay nagagawa kapag ang lahat ng mga indibidwal na kasangkot ay magkakatugma ang kanilang mga kontribusyon at nagtatrabaho sa isang pare-parehong layunin o objective.
Siguro naman bawat isa sa atin ay may experience na kung paano makisalamuha o makisama sa iba. Subalit aminin natin na hindi lahat ay nakakalam kung paano ang tamang pakikisama para maisagawa ang isang adhikain o layunin.
Alam ba ninyo na ayon sa payo ng mga bihasa: “Saan mang aspeto ng buhay kailangan nating isakatuparan ang kahalagahan ng pagtutulungan ng magkakasama.”
Papaano nga ba tayo gagalaw para masabing may teamwork ang grupo?
Narito ang ilang mahahalagang bagay na kinakailangan ng team ninyo para magtagumpay o magwagi:
Dapat bawat isa ay mayroong kaalaman upang magawa ang isang proyekto o trabaho, ito ang tinatawag na Talento o karunungan. Para makamtan o malaman ng bawat myembro ng team, kinakailangang magkaroon kayo ng mga pagpupulong o meeting. Kinakailangang i-share ng bawat isa ang kanyang nalalaman o expertise sa trabaho, nararapat na ang leader at iba pang membro ay marunong tumanggap ng suggestion o mungkahi. Kung malawak ang kaalaman o knowledge at karanasan na tinataglay ng isang team, magiging daan ito upang makamit ang tagumpay o panalo.
Subalit hindi sapat na talino lamang ang mamayani sa isang team, kundi dapat may sigasig (enthusiasm) din na mamayani sa bawat isa.. Ang ibig sabihin nito ay kailangan magkaroon ng interest ang bawat miyembro at alam kung paano niya gagamitin ang kanyang kaalaman. Dapat ding maging responsible at masipag ang bawat isa upang maging kapakipakinabang sa trabaho. Magiging likas ang kalalabasan ng ating pagsisigasig’ kung nagiging mabuting ehemplo tayo sa iba.
Dapat din may pananagutan ang bawat myembro, hindi lamang sa team kundi sa lahat ng kanyang kagrupo. Dapat din hindi lang tayo responsable sa ating sarili, dapat bawat isa sa grupo ay nakakaalam ng mga plano o yaong tinatawag na well informed, kaya dapat ang team leader ay may sapat na kaalaman sa tinatawag na “management” o “leadership”. Kapag may nakalimutan ang isa sa mga myembro, kailangan itong paalalahanan. Bakit? Kasi po pag may nagkamali o pumalpak sa myembro ng team ninyo, apektado ang buong grupo. Hindi ba?
Nancy: Tama!
Kaka Alih: Sabi na nga ba eh tama! (LAUGHING) Dapat alam natin kung saan siya, ako, tayo magaling at dapat iagapay ang kakayahan ng bawat miyembro ng team sa taglay na kagalingan. Ito ang tinatawag nilang proper management o pamamahala. Dapat bawat isa ay may ginagawa at alam kung ano ang kanyang tina-trabaho. Kung may hindi nalalaman, dapat alam kung sinong lalapitan.
Sabi ni Sir, tandaan kapatid: “Kung ang isang tao ay may talento at enthusiasm ngunit walang oras para magtrabaho, mababalewala ang lahat ng ito.”
Ang availability ng bawat miyembro ay kailangan para makatrabaho bilang isang team. Dapat ang team leader, ang preparation, palaging may substitute sa kanyang plano, ito ang tinatawag nilang plan A, plan B,C, E.. ang ibig kong sabihin dito ay kung ang isa ay wala, sinong gagawa ng kanyang trabaho? But please consider this, hindi lang dahil bakante siya o free-time, consider din ang work-ability ng ipapalit mo. Baka ang ipapalit mo ay hindi alam ang assignment, naku patay kang bata ka, matatalo talaga kayo. (LAUGHING). Kaya dapat sa bawat miyembro present din ang tinatawag na adaptability o may kakayanan na ibagay ang sarili.
Dapat naroon din ang expectation ng bawat isa sa ibang possibilities na mangyayari at alam kung paanong kumilos sa kanyang assignment.
Ang understanding sa members ng team ay kailangan upang ang bawat miyembro ay makapagtrabaho ayon sa kanyang abilidad. Kailangan maging open sa bagong ideya, o suhestiyon. Magkaroon ng bukas na komunikasyon upang maging malinaw sa lahat ang bawat proyekto o adhikaing aabutin.
Matuto tayong respetuhin ang iba nang sa gayon ay naroon din ang respeto nila sa atin. Sa brainstorming, dapat naroon ang laya ng bawat isa na ipaalam ang kanyang opinyon ukol sa isang trabaho nang walang halong pang-iinsulto o pambabastos. Matutong makinig at maging malumanay sa pagtutol sa isang opinyon.
Ilan lamang ito sa gabay kaibigan para makamtan ang susi ng tagumpay ng inyong team o grupo.
Ito ang inyong kateamwork, sa inyong programang Buhay-buhay sa DXUP sa segment na Nakaka… Ang inyong teammate, Kaka Alih ng DXUP.. Sukran and Wassallamu Alaikum Warahmatulahi Wabarakatuh.


