Mapanggulong Pagkilos (Disruptive Disorder) Sa mga Bata
October 5, 2011 (October 4, 2011-Martes- Script na sinulat ni Alih Anso para sa programang “Buhay –buhay” (8:00-9:00 A.M) sa segment na “Gabay at Talakayang Pampamilya”. Host –Noralyn Bilual)
Host/Noralyn: . Ano ang disruptive order o mapanggulong pagkilos ng mga bata? Ang kasagutan alamin sa ating segment na…..
(Gabay at Talakayang Pampamilya - INTRO)
Host/Noralyn: “Good morning Kaka Alih.”
Alih: Good morning, Assallamu alaikum warahmatullahi wabarakatuh.
Noralyn: Ano ang dapat nating malaman bilang magulang sa sinasabi natin na disruptive disorder o mapanggulong pagkilos.
Kaka Alih: Ang “Disruptive Disorder” ay salitang ginagamit ng mga propesyonal sa kalusugan na tumutukoy sa suliranin ng mga bata kung sila’y nahihirapang sumunod sa mga alituntunin na karaniwang tinatanggap naman ng ibang mga bata.
Ang mga ilan sa halimbawa ng suliranin na ito:
- Hindi pagsunod sa iniuutos ng mga magulang at ibang nakatatanda katulad ng guro. Karaniwan sa mga bata ang hindi sumusunod paminsan-minsan sa iniuutos, nguni’t ang inilalarawan dito ay ang hindi pagsunod sa halos lahat ng bagay kahit na alam nilang ito ay may mabigat na kaparusahan.
- May mga pag-aalboroto na higit na madalas at malubha kaysa karaniwang bata na nasa katulad nilang gulang.
- Agresibong pagkilos o pananakit. Kasama rito ang paninira ng ari-arian, pagbabanta at mapanganib na gawi katulad ng pagnanakaw at pagbabanta o pagtatangkang saktan ang iba.
- Sa pagsagot, palaging kasama ang pagsalungat, pakikipagtalo, pagpapalaki ng mga bagay at ang gusto ay palaging sila ang may huling salita.
- Ayaw gumawa ng pang-araw-araw na gawain katulad ng gawaing bahay (homework) at paglilinis ng katawan. Karaniwan sa mga kabataan na may karumihan ang kanilang tulugan at bantulot tumulong sa gawaing bahay nguni’t ang palaging pagtanggi na tumulong at hindi pagbibigay pansin sa kalinisan at pangangalaga ng katawan ay hindi karaniwan.
- Lahat ng bata ay nagsisinungaling kung sila ay takot malagay sa gulo at kung sila ay may gustong makuha. Ngunit may mga batang palaging nagsisinungaling kahit hindi kailangan ito.
- Ang pagsalungat sa lipunan ay ipinakikita rin sa labis na galit, pagmumura, nakayayamot na ugali katulad ng pagdura sa tao at pagwawalang-bahala sa saloobin ng iba. Ang ilang tawag sa malubhang anyo ng suliraning ito:
Ø Oppositional Defiant Disorder: Ito ay ginagamit upang ilarawan ang mga batang madaling magalit at madalas makipag-away. Ito ay karaniwan samga batang maliliit na madalas sumalungat sa kanilang magulang at guro. Sila ay hindi sadyang malupit, mapang-api, madaya at lumalabag sa batas nguni’t maaari silang magkaganito kung hindi masusupil.
Ø Conduct Disorder: Ang salitang ito ay ginagamit kung ang ating anak ay lumalabag sa lahat ng alituntunin.
Ø Attention Deficit Hyperactivity Disorder (ADHD): Ito ay naglalarawan sa mga batang pabigla-bigla kung kumilos (impulsive) at may problema sa pananatiling panatag (settled), sa pagtutuon ng pansin (concentration) at sa pag-aaral.
Ang ibang pagkilos ng mga bata o kabataan ay maaaring problema paminsan- minsan. Maaaring ito ay sanhi ng kanilang nararamdaman tungkol sa nangyayari sa kanila katulad halimbawa kung ang mga magulang ay nagdesisyong maghiwalay o kaya sila ay lilipat ng paaralan.
Maaaring sila ay nakakaramdam ng stress at dahil dito ay mahirap silang pakitunguhan. Ang mga problemang tinutukoy dito ay kadalasang nagtatagal o nagiging napakalubha. Ang mga batang may disruptive disorder o mapanggulong pagkilos ay hindi kadalasang tumutugon sa pagkalinga at ayaw nilang pansinin ang sinumang gustong tumulong sa kanila.
Noralyn: Kaka Alih, Kung ang ating mga anak ay may ganitong suliranin, ano ang mga mahalagang malaman ng mga magulang na na maaaring magpalala nito:
Kaka Alih: Una na rito mahalagang bagay na dapat malaman ng magulang ay ang Suliranin ng mag-anak o pamilya. Kung maraming suliranin ang mga magulang, mahirap magbigay-pansin sa suliranin ng kanilang mga anak. Bakit? Halimbawa:
• Hindi pagkakasundo sa pamamaraan ng pagtulong sa mga anak sa kanilang mga problema
• Madalas na pag-aaway ng mga magulang sa harapan ng mga anak;
• Kung idinadamay ang mga bata sa pag-aaway ng mga magulang;
• Kung ang mga anak ay nag-aalala sa kaligayahan at kaligtasan ng kanilang mga magulang.
Pangalawa, Nor, ay ang paggamit ng ipinagbabawal na gamot at pag-inom ng alak.
- Maaaring lumabas ang masasamang asal ng mga magulang o mga anak kung sila ay gumagamit ng ipinagbabawal na gamot o umiinom ng alak;
- Paggamit ng ipinagbabawal na gamot o pag-inom ng alak sa halip na humingi ng wastong tulong.
Pangatlo ay ang pag-uudyok ng mga kaibigan.
• Kung ang ating mga anak ay inuudyok ng ibang kabataan na uminom ng alak at gumamit ng ipinagbabawal na gamot o gumawa ng masasama
• Kung ang mga anak ay inaasahang kumilos na kakaiba sa kanilang mga kaibigan o ka-edad na mga bata.
Pang-apat ay ang Stress mula sa paaralan.
- Kung ang isang guro ay mataas ang hangarin sa mga bata na hindi nalalaman ang hangarin ng iba rin guro;
- Kung masyadong mataas ang hangarin natin sa ating mga anak, sila’y madalas na nababahala;
- Kung masyadong mataas ang hangarin natin sa ating sarili ang halimbawang ito ay sinusunod ng ating mga anak;
- Kung ang ating mga anak ay nahihirapang makitungo sa ibang bata at sila ay madalas na binibiro.
Heto pa, Ang pansariling stress ng mga bata.
• Kung ang ating mga anak ay maramdamin, dapat natin silang turuan ng paraan para ipagtanggol ang kanilang sarili na hindi nalalagay sa gusot. Ang ibang bata na maramdamin ay umaasta na sila’y matapang at sila rin ang nang-aapi (bullies). Kadalasan, ang mga batang “depressed,” ay mainitin ang ulo at agresibo. Kung ang ating anak ay may ganitong mga problema, mahirap silang pakitunguhan. Kahit nais nating gawin ang mabuti para sa kanila, hindi natin alam ang mga wastong pamamaraan.
Narito ang ilang pamamaraan kung paano mapapangasiwaan ang batang may disruptive disorder habang naghihintay ng tulong:
- Kilalanin/tanggapin ang kanilang katangian at huwag bigyang-pansin angkanilang kahinaan;
- Purihin ang ating mga anak kung sila ay nakagawa ng tama sa halip na parusahan lamang sila kung nakagawa ng mali;
- Hayaan silang gumawa ng kanilang ikinasisiya sa halip na ipinapagawa ang ating kagustuhan lamang;
- Pakinggan natin ang ating mga anak. Matuto tayong makinig sa kanila kung gusto natin silang makinig sa atin.
- Maging tapat at makatwiran. Ipinakikita natin ang ating suporta, kung iniisip natin ang mabuti sa ating mga anak, at pinapapansin din natin ang kanilang mga maling pagkilos sa eskuwela o paglabag sa batas.
- Pagpapakita na hindi natin sinisisi ang iba kung tayo ay nakagawa ng mali o kung ang pangyayari ay dahil sa kamalasan (bad luck);
- Turuan ang mga anak ng humanap ng kalutasan sa suliranin sa halip na sisihin ang iba;
- Pagiging mabuting halimbawa ng nararapat o tamang pagkilos sa mga anak sa halip na pamimilit na gumawa ng tama dahil sa pananakot (threat) o parusa;
- Pagbibigay katiyakang malamig ang ating ulo bago makipag-usap sa ating mga anak kung sila’y nakakagawa ng hindi tama;
- Iwasan ang pag-aaway bilang mag-asawa na nakagagambala sa buong mag-anak at nakababahala sa mga anak;
- Pagbibigay ng pagkakataong magsalita ang ating anak kung sila ay nagagalit o nayayamot, ng hindi tayo nagagalit din. Sa ganitong paraan, malalaman nila na maaaring pag-usapan ang kanilang damdamin o ilahad and kanilang katwiran sa paraang makatutulong sa kanila.
- Iwasan ang pabago-bagong alituntunin para sa mga anak.
Noralyn: Tanong ko lang Kaka Alih, kailan tayo dapat humingi ng tulong na mga magulang sa ibang tao?
Kaka Alih: Kung ang pamilya ay nahihirapan at ang mga magulang ay nawawalan ng pananalig sa kanilang kakayahang lutasin ang problema sa pagkilos ng mga anak;
Kung ang asal ng ating anak ay nakagagambala sa kanyang pang-araw-araw na gawain katulad ng pag-aaral.
Kung ito ay nagiging dahilan na siya’y nasasaktan o nakapananakit ng iba at lumalabag sa batas.
Noralyn: Ano ang magagawa natin kung kailangan ng tulong ng ating mga anak at hindi tayo sigurado kung ano ang maaaring gawin?
Kaka Alih: Sumangguni sa ating mga “Nakakatanda” o mga elders ng pamilya. Makipag-usap sa school counsellor ng ating anak.
Maraming salamat bukas Insha Allah, dagdag pa rin impormasyon sa ting mga magulang papaano ang tamang pagpapalaki ng mga anak..ito ang inyong writer at producer ng segment na Gabay at talakayang pampamilya.. Kaka Alih.
Pag-aasawa ng Maaga
(October 5, 2011-Miyerkules- Script na sinulat ni Alih Anso para sa programang “Buhay –buhay” (8:00-9:00 A.M) sa segment na “Gabay at Talakayang Pampamilya”. Host –Noralyn Bilual)Host/Noralyn: Pag-aasawa ng maaga ng mga kabataan sa ngayon, isa daw ito sa dahilan ng di pag-unlad ng basing Pilipinas? Totoo kaya ito?
(Gabay at Talakayang Pampamilya - INTRO)
Host/Noralyn: “Good morning Kaka Alih.”
Alih: Good morning, Assallamu alaikum warahmatullahi wabarakatuh.
Host/Noralyn: Totoo ba na ang ag-aasawa ng maaga, ng mgakabataan ngayon ang isa sa nagiging dahilan kong bakit hindi tayo umuunlad hanggang ngayon ang bansang Pilipinas?
Alih: Maaari Nor, Ang bansa natin ngayon ay lugmok sa kahirapan.. Dahil sa iba’t ibang krisis na ating nararanasan o nadadama sa ngayon.. Andiyan ang mataas na presyo ng bilihin, kalamidad, panggigipit ng mga nasa may kapangyarihan para sa kanilang pansariling kapakanan, paglabag sa batas ng ilang mamamayan na nagdudulot ng kaguluhan, paglabag sa mga karapatang pantao dulot ng kawalan ng respeto sa bawat isa, di pagkakaunawaan sa pagitan ng mga nasa pamahalaan at mamamayan, at marami pang iba..
“Haaay!! kailan pa kaya ito mawawakasan o mabibigyan ng karampatang solusyon..” himutok ni Lola.
Kaibigan patuloy na lang ba nating isisisi ang lahat ng ito sa pamamalakad ng gobyerno?
Bakit di natin tanungin ang ating sarili: “May naitulong ba ako upang maiayos ang kalagayan ng ating bansa?” o “nakadagdag lang ako sa mga pinu-problema ng ating bansa?”
Iyan kapatid ang ilan sa mga dapat nating maunawaan at masagot.
Ang sabi naman ng iba: “Sa kabataan, nakasalalay ang hinaharap ng bansa.”
Sabagay tama ka, kapatid ang Kabataan, bata pa man ay may malaking magagawa o maiaambag upang maisulong sa pag-unlad ang ating bansa.
Ang mga kabataan ay may mga karapatan gaya ng karapatang makapag-aral at marami pang iba.. Ang mga karapatan na ito’y makakatulong sa atin upang magkaroon ng magandang kinabukasan, makakatulong din ito upang magkaroon tayo ng sapat na kaalaman sa paglilingkod sa ating bayan.
Napakaraming problema kinakaharap ng ating bansa sa ngayon at napakaraming dahilan kung bakit nananatiling mahirap ang ating bansa sa ngayon.
Napakaraming factor o dahilan, ayon sa pananaw ng isang social expert, isa sa sanhi nito ay ang pag aasawa ng maaga ng ilang kabataan. Ang kabataan ay may obligasyon na mag aral. Mag aral upang magkaroon tayo ng magandang kinabukasan at ang ating bansa. Ngunit papaano na lamang kung may mga kabataang nag aasawa ng maaga?
Subalit ito ang katotohanan napakarami ang maagang nag-aasawa na kabataan sa ngayon.
Maraming kabataan sa ngayon ang nag aasawa ng maaga. Napakaraming dahilan kung bakit?
“Sa palagay ko Kaka Alih, ang pinaka sanhi ng pag aasawa ng maaga ng ilang kabataan ay ang kapabayaan ng kanilang mga magulang.” Tugon ng isang kumpare nbatin.
Naitanong ko sa kanya bakit naman?
Ang paliwanag: “Dahil hindi na naasikaso ng mga magulang ang mga anak, papaano kasi eh, napakaraming iniisip at responsibilidad ng isang magulang lalo na kung may bisyo pa ito kaya’t minsan di maiwasang mapabayaan ang kanilang mga anak. Kaya’t minsan hindi na nabibigyang gabay ang kanilang mga anak nagdedesisyon lamang ito batay sa kanyang sariling pananaw lalo na ang mga kabataang may mura pang isipan kaya’t di maiwasang mapunta sya sa masamang landas.”
May dagdag naman si kumara sa issue: “Isa pa sa tingin ko Kaka Alih, and dahilan o sanhi ng maagang pag aasawa ng ilang kabataan ay ang panonood ng mga palabas na tungkol sa pag ibig at pag aasawa. Dahil sa labis na labis na panonood nito di maiwasang maging interesado sila at gayahin ang napapanood sa mga telebisyon.”
Tama ka Mare, kaya’t sa mga kalagayang ito hndi talaga maiwasan ng ilang kabataan na mag asawa ng maaga, papaano kasi nakakakilig din yun.. (LAUGHING).
Napakaraming maaaring ibunga ang pag aasawa ng maaga.
Sa pag aasawa ng maaga maaari itong magbunga ng pag aaway o pagtatalo ng mag asawa dahi na rin sa kanilang ugaling bata pa.
Hindi nila maibigay ang mga pangangailangan ng kanilang anak dahil na nga sila ay bata pa at wala pang mga trabaho.
Kahirapan sa panganganak ng babae dahil hindi pa kaya ng kanyang kalusugan dahil sa siyay bata pa at maaaring maraming dugo ang maaaring mawawala sa kanya.
Ang bumubuo sa sambayanang Pilipino ay tayong mga mamamayan, kong mahina tayo ay mahina rin ang bansa. Kong naghihirap tayo ay maghihirap din ang bansang Pilipinas.
Ang pag-hihirap ng bawat pamilya ay makaapekto sa kaunlaran ng bansa.
Kaya’t bago mag asawa tiyaking may trabaho na kayang tumustos sa pangangailangan ng isang pamilya. Ito ay di basta basta. Ito ay isang pang habang buhay na obligasyon. Kaya’t tiyaking sa bawat aksyon ay may kalakip na tama at angkop na desisyon. Dahil sa bawat aksyon na ating ginawa ay maaaring permanente na o di na mababago. Kaya’t masasabing ang pagisisisi ay laging nasa huli.
Ito ang inyong kaka Alih, at bago wasakan ang segment na ito, huwag kalimutan ang kasabihan, na ang pag-aasawa ay di katulad na kaning isusubo na pag napaso ay pwedeng iluwa.
Sukran, wassallamu alaikum warahmatulllahi wabarakatuh.


